Isang gabi ng kagalakan, pagdiriwang ng kanyang kapanganakan. Naimbitahan ng isang taong hindi gaanong malapit sa aking nararamdaman.
Isang gabi ng kanilang kasiyahan, samantalang sa akin ay kalungkutan. Oo sinabi ko masaya ako at okay lang ako, pero sa totoo lang hindi yun yung nararamdaman ko. Sinamahan si Simang para makita siyang masaya, totoo palang gagawin mo ang lahat para makita lamang ang minamahal mong masaya.
Nakita ang mga taong hindi ganun kalapit sa akin, at isang taong nawala bigla sa aming paningin. Sinabi niya na hindi niya ako kilala at hindi ako ganun kapansin pansin. Sinabi ng isang kaibigan na ako ang boyfriend ni Simang, sagot naman niya “I know” at may kasamang pagtaas ng kilay. Lalo akong nasunog at naubos na parang isang palito, hindi ata talaga ako nararapat sa napuntahan ko.
Ibinigay ang upuan at kaming dalawa lang ang magkasama, hindi pamilyar ang mga taong kasama namin sa bilog na lamesa, at bigla kong napagalaman ang mga kasama naming nakaupo ay ang mga kaibigan at kamag-anak ng may kaarawan. Biglang kinausap si Simang ng batang katabi niya, sinabi niya sa akin na naging kalaro daw niya iyon noon. Gusto kong tanungin kung bakit at paano. Gusto kong humingi ng paliwanag kung ano ba talaga ang meron noon. Pero nanahimik na lang ako at ngumiti kahit papilit.
Binalewala ang lahat ng aking naramdaman at inisip na ang importante ay kasama ko ang aking mahal. Nakaramdam ako ng saya at ang lungkot ay nawala bigla.
Bumalik ang kaba at sakit nung ako ay may nakita, isang litratong parang isinampal sa aking mukha, oo marami silang kasama sa larawan na iyon, pero sa pagkakaalam ko yun ang larawan na nagbigay ng selos na itinatawag noong mga panahon na silang dalawa pa ang magkasama. Maraming nakapansin, at alam kong napansin din ni Simang yun.
Isang gabi ng sakit at lungkot, para akong isang plastik na bulaklak sa isang hardin ng mga sariwang bulaklak. Kunwari lang mabango at kunwari lang totoo. Masakit pero tiniis para sa taong mahalaga at minamahal.